Stories of inspiration

“Kaya ko pa pala”: Balik sa automotive training si James Bayantong matapos ang walong taon

Isinulat ni John Laurence Teologo, Communications Officer, sa tulong ni Demi Nasol, Program Officer

Kapag may sasakyang kailangang palitan ng langis, kaya na ni James Carlo Bayantong na gawin ito at ipaliwanag sa customer kung bakit kailangan ang serbisyo. Ilang taon din niyang pinagdudahan kung magagamit niya sa trabaho ang hilig niya sa mga sasakyan. Ngayon, sa edad na 30, nagagamit na niya ang natutuhan niya bilang trainee sa isang Shell Mobility station.

Nagsimula ang pagbabalik ni James sa automotive training nang maging iskolar siya ng Sanayan sa Kakayahang Industriyal (SKIL), isang programa ng Pilipinas Shell Foundation, Inc. (PSFI) katuwang ang Shell Pilipinas Corporation (SPC). Layunin ng SKIL na tulungan ang mga Pilipinong matuto ng mga teknikal na kasanayang magagamit sa trabaho at magkaroon ng kumpiyansang gamitin ang mga ito. Sa loob ng apat na dekada, mahigit 7,000 iskolar na ang naabot ng programa. Isa si James sa kanila.

Ang hilig na matagal niyang gustong balikan

Bata pa lang si James, na taga-Macabalan, Cagayan de Oro City, mahilig na siyang magbasa tungkol sa mga imbensiyon at astronomiya. Hilig din niya ang mga sasakyan. Kaya pagkatapos ng high school, sa edad na 18, sumubok siya ng vocational training sa automotive at heavy equipment operation. Halos dalawang taon siyang nagsanay sa Monark Foundation bago nag-on-the-job training sa 2GO.

Maganda ang performance niya sa training. Pero nang oras na para maghanap ng trabaho, nag-alangan siya.

“

Akala ko kasi hindi ako sapat. Kahit nakapagtapos ako ng training, iniisip ko kung kaya ko ba talaga at kung pasok ba ang kakayahan ko sa mga hinahanap sa trabaho. Sa huli, mas pinili ko munang manatili sa bahay.

Sa sumunod na walong taon, naging katuwang siya ng pamilya sa gawaing-bahay at pag-aalaga ng mga pamangkin. Nasanay siya sa ganitong buhay, pero naiisip pa rin niya kung ano ang puwede niyang marating kung susubukan niyang muli.

Isang pagkakataon sa pagtitipon ng mga mangingisda

Sa isang pagtitipon ng mga mangingisda unang nabalitaan ni James na naghahanap ang SKIL ng mga iskolar para sa automotive training. Nalaman niya ito sa tulong ng pamilya ng girlfriend niya, na kabilang sa mga benepisyaryo ng Shell LiveWIRE.

Nilapitan ni James si Demi Nasol ng PSFI para magpa-interview. Hindi na siya sanay humarap sa mga bagong tao, at sa sobrang kaba niya, akala niya hindi siya matatanggap. Kaya nagulat siya nang malaman niyang isa siya sa mga napiling iskolar. Kailangan din niyang kumuha ng pagsusulit sa Toyota, ang training center para sa Automotive NC I.

Bilang SKIL scholar, may suporta si James para sa matrikula at uniporme. May natatanggap din siyang pamasahe kada dalawang linggo. Ang susunod niyang haharapin ay ang unang araw niya sa klase matapos ang walong taon.

“Sa totoo lang, natakot ako noong una. Walong taon akong hindi nag-aral. Iniisip ko kung gagana pa ba ang utak ko, kung kaya ko pa bang intindihin ang mga lesson at kabisaduhin ang mga kailangan naming matutuhan. Pero habang tumatagal, nakita kong kaya ko pa pala. Hindi pa huli ang lahat para matuto ulit,” kuwento niya.

Padayon lang

Sa tatlong buwan ng training, unti-unting nabawi ni James ang kumpiyansa niya. Nakakasabay siya sa mga kaklase niya kahit magkakaiba sila ng edad at karanasan. Sa bahay, tuwang-tuwa ang nanay niya na makita siyang pumapasok ulit at mas kumportableng nakikihalubilo sa iba.

“Padayon lang. Kung gusto mo ’yan, ipagpatuloy mo. Para rin ’yan sa future mo,” payo ng nanay niya.

May kasama rin si James na naiintindihan ang karanasan niya bilang iskolar. SKIL scholar din ang girlfriend niya. Habang nag-aaral siya ng automotive, solar installation naman ang pinag-aaralan nito.

Bahagi rin ng programa ang Leadership Enhancement and Attitude Development (LEAD) workshop ng PSFI. Para kay James, isa sa pinakamahalagang aral dito ang pagkilala sa mga bagay na kaya na niyang gawin.

“

Isa sa pinakamahalagang natutuhan ko sa LEAD ay huwag maliitin ang sarili. Dati, ako mismo ang unang nagdududa sa kakayahan ko. Ngayon, natutuhan kong maging proud sa sarili ko at kilalanin na may halaga rin ang mga kaya kong gawin.

Mula sa training hanggang sa Shell station

Pagkatapos ng training, nagsimula si James ng on-the-job training (OJT) sa Clara Claire Ventures, isang Shell Mobility station. Dito siya lalong nasanay sa pagpapalit ng langis at pagtukoy sa mga posibleng problema ng sasakyan.

Isa sa mga mahalagang bahagi ng OJT para kay James ang pakikipag-usap sa mga customer. Kapag naipapaliwanag niya kung ano ang kailangang gawin sa sasakyan at kung bakit, mas madali para sa customer na pumili ng serbisyong angkop sa kailangan at pasok sa budget.

Pinalawig ang OJT ni James hanggang Disyembre 2026, kaya mas marami pa siyang pagkakataong matuto sa station. Umaasa siyang magagamit niya ang karanasang ito para makahanap ng trabaho sa automotive industry.

Para sa mga nag-aalangan ding bumalik sa pag-aaral o subukan ang trabahong matagal na nilang gusto, ito ang payo ni James.

“

Kapag may dumating na pagkakataon, kahit nakakatakot, subukan mong kunin. Huwag mong sayangin dahil baka pagsisihan mong hindi mo sinubukan. Kung may pagkakataon kang baguhin ang buhay mo, bakit mo pa palalampasin?

Related stories:

Growing Skills for a More Sustainable Future in Tanay, Rizal

Thirty-one participants, including members of the Dumagat-Remontado community in Tanay, Rizal, strengthened their sustainable farming skills through the Accelerate Luzon SEEDS Program. Implemented by PSFI with support from BPI Foundation, the training forms part of a broader effort to expand livelihood opportunities and strengthen community enterprises in Laiban.

23 Frontline Responders Complete Basic Life Support Training in Cagayan de Oro

Twenty-three frontline responders in Barangay Puntod, Cagayan de Oro City, practiced CPR and rescue breathing for adults, children, and infants during a two-day Basic Life Support training. Pilipinas Shell Foundation, Inc. and Shell Pilipinas Corporation organized the training in partnership with the Bureau of Fire Protection’s Cagayan de Oro Fire District and the Barangay Government of Puntod.