Kabilang ang PSFI sa mga organisasyong may layuning puksain ang Malaria sa bansa. Mula noong naitatag ang Kilusan Ligtas Malaria (KLM) hanggang sa ipinalawak ito sa programang Movement Against Malaria (MAM), nagpapatuloy ang PSFI sa pagbibigay-lunas sa mga bulnerableng komunidad para malawakang pagbabago.
Idineklara ng Department of Health (DOH) na 72 probinsya na ang walang Malaria nitong Abril 2024. Ngunit, dumami ang mga kaso ng sakit na ito noong nakaraang taon. Ayon sa DOH, maaaring dulot ito ng pagbabago ng klima at pagtanggal ng mga regulasyon sa paglalakbay. Upang makamit ang Zero Malaria sa buong bansa sa 2026, dapat magpatuloy ang mga programang katulad ng MAM, nang lalong matutukan ang mga apektadong lugar tulad ng Palawan.
Isa si Nerma “Sining” Abayon sa mga pinakamasigasig na volunteer ng MAM sa Palawan. Nagsimula siyang makilahok sa programa noong 2020 ngunit higit na sampung
taon na siyang naglilingkod sa komunidad bilang isang Barangay Community Organizer (BCO). Tumutulong siya sa Municipal Health Office ng San Vicente na mag-organisa ng mga programang pangkalusugan.
Naudyok si Sining na maging BCO matapos magkasakit ang kanyang asawa noong 2007. Bagama’t balisa siya at hindi sigurado sa dapat gawin, nagpunta sila sa Barangay Health Center (BHC) at nalaman na may Malaria ang asawa. Dahil sa maagap na aksyon, nabigyan agad siya ng gamot at gumaling. Dala ng kanilang karanasan, namulat si Sining sa mga panganib na dala ng sakit na Malaria. Nagpasiya siya na maging BCO upang makatulong sa iba.
Bilang volunteer, masipag siyang nakikipag-ugnayan sa komunidad para magpalaganap ng kaalaman tungkol sa Malaria at linisin ang mga ilog na pinagmumulan ng Anopheles, ang uri ng lamok na nagdadala ng Malaria. Kasama niya ang iba pang volunteer at barangay health worker (BHW) na dumalaw sa bawat sitio at purok sa kanilang barangay. Pumupunta sila sa Sitio Es-Fidel, Sitio Cauban, Purok 1, Purok 2, Purok 3, Purok Adelfa, Purok New Site, Purok Atin at Sitio Lumambong para makatulong sa komunidad.
Sa pakikipagpanayam, ibinahagi ni Sining ang kanyang tuwa sa mga kwento ng mga taong binisita nila roon. Malaki ang kanilang tiwala sa mga BCO at volunteer at ubod ang kanilang pasasalamat sa kabutihang dala ng MAM. Ito ang naghihikayat sa kanya na sumali sa mga pagpupulong na pangdagdag-kaalaman ng PSFI. Baon ang karunungan mula rito, tiyak na madami pa siyang matutulungan.
Napalapit na rin si Sining sa kanyang mga katrabaho. Malaking tulong sa kanya ang pagpapayo ni Jane Rojo, isang Project Officer ng MAM. Nagpapasalamat rin si Sining sa suporta ng kanilang barangay na laging handang
magbigay ng tulong, kahit pagpapahiram ng mga sasakyan para maghatid ng mga kulambo.
May mga pagsubok na rin siyang naranasan dahil sa kanyang trabaho, inamin ni Sining. Pero hindi siya sumuko at nilampasan niya ang mga ito dahil mas matimbang ang kanyang hangad na paglingkuran ang kanyang komunidad. Mahirap puntahan ang mga liblib na pook ng Palawan at minsa’y napapalapit sila sa panganib. Ngunit kahit maulan at maputik ang daan, nagsusumikap si Sining at kanyang mga kasama na abutin ang mga lugar na ito para magdala ng kaalaman tungkol sa Malaria at matulungan ang mga nakatira rito. Bukod pa rito ay nag-iingat rin silang huwag kumalat ang COVID-19 at iba pang sakit habang bumibiyahe noong panahon ng Pandemya. Patuloy ang kanilang mga gawaing pagkalusugan, Ang pag-iingat na hindi magkasakit at makahawa sa kanilang nasasakupan ay laging isinasaalang-alang.
Sa kasamaang palad, nasugatan ang paa ni Sining habang nagsasagawa ng mga aktibidad para sa MAM noong isang taon. Lumubha ang sugat dahil sa kanyang dyabetis at kinailangang putulin ang kanyang paa. Sa kabila nito, hindi siya nagpapigil sa pagtatrabaho kahit pinagpapahinga na siya ng kanyang pamilya. Dalawang linggo pagkatapos ng kanyang pagpapagamot, bumalik siya agad sa trabaho.
“Hindi hadlang sa akin ang pagkawala ng isang paa ko para hindi ko ipagpatuloy ang trabaho ko,” wika ni Sining. “Noong naputol na yung paa ko, hindi ako tumigil sa pagtatrabaho kasi mahal ko yung trabaho ko. Iniisip ko rin yung mga taong nagtitiwala sakin. Sabi ko nga sa sarili ko, kahit putol na yung isang paa ko, meron pa naman akong bibig na puwede kong gamitin mag IEC (Information, Education, and Communication) para sa kanila. Hindi naman po hadlang ang mawalan ng isang paa.”
Masigla pa rin si Sining sa kanyang pagpapatupad ng mga gawain ng MAM para tuluyang mapuksa ang Malaria sa Palawan. Patuloy niyang isinusulong ang Zero Malaria. Bilin niya: “Hanapin natin saan nanggaling ang mga taong may sakit na Malaria. ‘Wag po tayong magsawa na mag-ikot at ipaalam sa mga tao ang kahalagahan ng prevention sa Malaria, at huwag matakot sa sakit na ito dahil meron tayong mga gamutan sa health center. Maging alerto tayo sa sakit na ito.”
Ibinahagi niya rin ang lakas ng loob sa mga kapwa volunteer: “Maging malakas, maging matibay, kahit anong pagsubok ang dumating, go lang. Magtiwala lang.”
#WorldMalariaDay #FilipinoForward #PilipinasShellFoundation