Stories of inspiration

Kapag May Balak, Hayaang Mamulaklak

Ang Kwento ng mga Kababaihan ng LAWPA

By: Noah I. Portuguez

Sa isang bayan sa Camarines Sur, may isang grupo ng mga kababaihan na mahilig sumama sa iba’t ibang pagtitipon. Maging kasalan, birthday, o anumang okasyon ay hindi nawawala ang grupong ito. Isang araw, sa gitna ng kanilang masayang salu-salo, umusbong ang ideya na bumuo ng opisyal na grupo. Hangad nilang makatulong sa kanilang komunidad.

 

Sila ang LAKASAN—pangalan pa lang, sumasagisag na sa tibay at katatagan. Nagmula sa pangalan ng apat na barangay sa Ocampo, Camarines Sur: Lapurisima, Kagmanaba, San Antonio, at Sta. Isabel. Kalaunan ay tinawag itong Lapurisima Women’s Planter Association o LAWPA. Binuo ang samahan sa pangunguna nina Josi Hernandez, Rosita Ibarientos, Yolanda Riba, Anabel Iluha, at Rosana Marpuri.

Layunin ng LAWPA na tutukan ang pangangailangan ng kanilang pamayanan sa pamamagitan ng pakikilahok sa komunidad gamit ang kanilang lokal na kaalaman.

 

Sinimulan nila ang pagtatayo ng communal garden. Pinalalago nila ito upang magkaroon ang kanilang komunidad ng sariling pook-taniman ng gulay. 

Ang kanilang mga ani ay inaalok sa public market ng Munisipyo ng Ocampo, habang ang ibang nalilikom nilang kita ay kanilang ibinabahagi sa Bicol Medical Center Hospital ng Naga City.

 

Bukod pa rito ay sinusuportahan din nila ang mga senior citizen sa pamamagitan ng pagbibigay ng libreng gamot at grocery pack mula sa mga donasyon.

 

Handa rin silang magbigay ng tulong pinansiyal sa mga namatayan sa oras ng pangangailangan. Gayundin sa mga miyembro o interesado sa kanilang loan assistance sa “Project Tabang”.

 

Sa determinasyon at pagtutulungan ng LAWPA, patuloy silang nagbibigay ng inspirasyon sa kanilang komunidad.

 

Ngunit sa kabila ng kanilang mga adhikain, humaharap din ang grupo sa ilang mga pagsubok tulad ng kakulangan sa mga miyembro, kagamitan, at makinarya. Gayunpaman, hindi nila pinalagpas ang oportunidad na matuto para sa kanilang pag-unlad.

 

Kasama ang LAWPA sa mga nagsasanay ng Integrated Farming Bio System (IFBS) sa Shell Training Farm sa Bombon, Camarines Sur. Ito ay programa ng Pilipinas Shell Foundation, Inc. (PSFI) na nagsasagawa ng mga training tungkol sa sustainable practices sa agrikultura. Mabuting hakbang ito para sa pagpapalago ng kaalaman, kakayahan, at produktibidad ng mga magsasaka.

 

Dahil dito ay umangat ang kalidad at dami ng kanilang ani. Malaki ang naitulong nito sa pagyabong ng kanilang community garden.

Bukod pa rito, suportado rin ng PSFI ang kanilang Swine Breeding and Dispersal Project. Ang proyekto ng LAWPA ay nagbibigay ng karagdagang pangkabuhayan para sa kanilang komunidad.

 

Ang LAWPA—noo’y nagsimula lamang bilang isang balak sa isang kasiyahan, at ngayo’y

namulaklak ng kolektibong aksyon— ay isang magandang halimbawa ng kung paano ang pagkakaroon ng malasakit sa isa’t isa ang ating makakapitan upang harapin ang mga hamon ng lipunan.

 

Iyan ang lakas ng kababaihan.

Related stories:

PSFI Brings Solar Power to Batak Community in Palawan

Over 50 households of the Batak community in Sitio Tagnaya, Barangay Concepcion, Puerto Princesa City, Palawan received stand-alone solar units from Pilipinas Shell Foundation, Inc. (PSFI)’s SINAG Program. This initiative was in partnership with the Local Barangay Council of Concepcion, and the City Health Office of Puerto Princesa in response to the community’s expressed need for solar power during consultations.

PSFI Among the Philippine Delegation at AIDS 2024 Conference in Germany

Pilipinas Shell Foundation, Inc. (PSFI) PROTECTS-UPSCALE participated in AIDS 2024 at the 25th International AIDS Conference held in Munich, Germany. The PSFI team, representing the Philippines, was led by Dr. Loyd Norella, Dr. Stella Flores, and Jeri Abenoja, along with Atty. Mack Hale Bunagan of IDEALS.

Pagsusumikap ng Isang Ama

Ngayong Fathers’ Day, ating ipinagdiriwang ang mga ama at mga tumatayong ama na nagsusumikap mapabuti ang buhay ng kanilang mga pamilya.

Tulad ni Rene Luarez, isang Gas Mo Bukas Ko (GMBK) scholar, marami sa kanila ang sinasamantala ang mga oportunidad ng Technical and Vocational Education and Training (TVET) upang makakuha ng mas mataas na antas ng kasanayan sa kanilang napiling larangan. Hindi lamang pinapaganda ng TVET ang mga karera, pinapalakas din nito ang mga komunidad at ekonomiya.

Basahin ang kwento ni Rene at kung paano niya binago ang kanyang buhay at ang kinabukasan ng kanyang pamilya sa pamamagitan ng pagsusumikap at mga oportunidad na hatid ng mga pagsasanay mula sa Shell at PSFI.