By Given Magaling
Matamis ang lasa ng tagumpay para kay Jona, isang caddy, na nagawang iangat ang simpleng hilig at pagkatuto sa pagbe-bake tungo sa isang umuunlad na negosyo ng cake.
Si Jona Lachica-Ojeda, 37 taong gulang, ay isang mabuting asawa at ina sa tatlong anak, na nakatira sa Quezon City. Siya ay laki sa hirap at itinuturing ang sarili na subok na sa buhay. Bata pa lamang siya ay naranasan na niya magbanat ng buto at tumulong sa pamilya upang makaraos sa araw-araw.
Ang kanyang mga magulang ay parehong nagsikap na makaahon sa hirap ang kanilang pamilya. Kaya naman ginawa talaga nila ang lahat upang kumita nang sapat. Sila ang naging modelo ng kaugalian at kasipagan ni Jona, nanaging sandigan niya sa pagtataguyod ng sarili niyang pamilya.
Dumating ang iba’t-ibang pagsubok sa buhay ni Jona. Dahil siya’y maagang nagka-anak, napilitan siyang huminto sa pag-aaral. Dumiskarte sila at inuna nila ng kanyang mister ang pagta-trabaho upang matustusan ang kanilang pang araw-araw na pangangailangan.
Unang namasukan si Jona bilang kahera sa isang kainan o fast food chain, kung saan nakaranas siya ng panghahamak sa kabila ng kagustuhang makatulong sa mga katrabaho at ayusin ang sistema sa kusina.
Nagpatuloy siya sa kanyang malasakit at porpesyonalismo sa kabila ng mga hinarap na panghuhusga. Dahil dito, napagkatiwalaan naman siyang mamahala sa kusina.
Dito siya nakitaan ng husay at potensyal sa kanyang pagtatrabaho.
Ang mga matinding karanasan at turo ng kanyang mga magulang ang nagbigay tulay upang siya ay maging madiskarte at palaban sa buhay. Naging motibasyon niya na kahit hindi man marangya ay posibleng mai-angat sa magaan na estado ng buhay ang kanyang pamilya.
Isang araw ay sinabihan siya ng kanyang kamag-anak na mayroong job opening sa Manila Gold & Country Club (MGCC). Dito ay puwede siyang mamasukan bilang assistant o “Caddy” sa mga golfer. Sinubukan ni Jona na mag-apply at laking pagpapasalamat niya at siya ay natanggap sa trabaho. Sila ay sinanay nang mabuti at maganda ang naging pakikitungo ni Jona sa kanyang mga boss at kasamahan. Nagbunga ang determinasyon niya at siya ay nakilala bilang isang masipag at mabait na Caddy. Ayon kay Jona, malaking bahagi ng kanyang patuloy na pagsusumikap ang maayos na programa ng MGCC sa mga manggagawa nila roon upang mapaghusay nila ang kanilang mga tungkulin.
Kasabay sa pag unlad ni Jona sa kanyang buhay, ay nagkaroon pa siya ng panibangong oportunidad sa pamamagitan ng pagtutulungan ng Pilipinas Shell Foundation, Inc. (PSFI) at ng MGCC. Nagbukas ang PSFI ng Technical-Vocational Scholarship Training Program gaya ng baking at massage para sa mga kababaihang caddy.
Para kay Jona, sa tulong ng programang ito ay nadagdagan lalo ang kaniyang kasanayan sa pagluluto, partikular na sabasic na pagbe-bake at pagde-design ng cake.
Kalaunan ay ginamit niya ang kanyang mga natutunan para makapagtayo ng maliit na negosyo. Unti-unting dumating ang mga interesadong magpagawa ng cake sakanya. Nagbukas siya ng online shop na pinangalanan niyang Catcharap Cake at sumali din siya sa mga catering businesses para mas lalong dumami ang kanyang koneksyon.
Sa buhay ng pagnenegosyo, minsan ay dumaraan din ang mga pagsubok at mga pagkakamali tulad ng pagloloko ng kliyente at kakulangan ng kaalaman tungkoln sa tamang pagba-budget at pakikipag transaksyon sa mga customer.
Nakatulong ang Tech-Voc Scholarship Program ng PSFI at MGCC upang mas lumawak pa ang kanilang kaalaman, ‘di lang sa pagbe-bake kundi sa mga kasanayan katulad ng marketing, costing, tamang pakikipag usap sa kliyente atbp. na makakatulong sa pagpapa-unlad ng kanilang kabuhayan.
Mahigit na 25 na kababaihang caddy ang nagsipagtapos bilang Tech-Voc scholars sa pagsasanay ng Baking at Massage Laking pasalamat ni Jona na nakamit niya ang pangarap niyang makapag-aral muli sa pamamagitan ng Alternative Learning School (ALS) kasabay ang dobleng sipag at tiyaga.
Higit sa kaalaman, nadagdagan ang kumpiyansa nila bilang kababaihan dahil sa mga karanasan nila mula sa training na ito. Hindi lamang skills ang nahubog, pati na rin ang kanilang karakter at dignidad. Ang mga bagay na hindi nila sukat akalaing kanilang magagawa at matutunan, ngayon ay malaking bahagi na ng paghubog ng kinabukasan ng kanilang pamilya. Bilang ilaw ng tahanan, walang paglagyan ng kasiyahan ang puso ni Jona sa karangalan na natamo niya sa tulong ng programa ng PSFI at MGCC.
Ani ni Jona,
“Pag may gusto ka makamit sa buhay mo, gawin mo na hanggat kaya mo pa at may panahon pa. Patuloy lang na matuto ng mga bagong kaalaman.”
Hindi pa rin mapipigilan ang kanyang uhaw sa pagkakatuto at pagbibigay inspirasyon sa mga tao lalo na sa kababaihan. Nais niyang ipahatid na may oportunidad pa na nakalaan sa mga taong nais matuto at makamit ang mga pangarap.
Payo ni Jona sa mga taong nagsusumikap: “Ano man ang pagsubok sa buhay, tuloy lang, laban lang! Kahit anong trials ang harapin natin malalagpasan natin iyan basta’t tayo’y ‘di susuko. Hangga’t may buhay, may pag-asa.”